December 2023 | 75 taon na ang Universal Declaration of Human Rights subalit magpahanggang ngayon, marami pa rin ang hindi nakauunawa

“BAWAL TOMBOY DITO. Kung babae ka, dapat maging babae ka. Kung lalaki ka, lalaki ka.” Ito ang kanilang palaging naririnig sa mga ina-aplayang trabaho.

Kaya karamihan sa mga tomboy na lumaki sa mahihirap na pamilya, mahirap ma-hire. Tomboy ang turing nila Lance, Aaron at Briggs sa sarili, kaya ito ang itatawag sa kanila sa post na ito.

“Iha-hire lang kami kapag wala nang ibang mapili,” wika ni Lance. Kamakailan ay nawalan ng trabaho si Lance dahil tinanggal ng manager ng plantasyon ang lahat ng babae sa pineapple harvesting. “Kahit anu naman kinakaya naming gawin, kahit yung kadalasang ina-assign sa lalaki tulad ng harvesting ng pinya,” dagdag niya.

Para kay Aaron, kailangang makita ng mga “feeling normal” na normal din ang mga tomboy. “Ituring kami na pantay na tao,” paliwanag ni Aaron na natigil noon sa pag-aaral sa elementarya dahil kailangan niyang tulungan ang kapatid sa pag-aalaga ng anak nito.

Maagang nagbuntis ang kapatid ni Aaron dahil rin maaga silang naulila ng ama at siyam naman silang magkakapatid na hirap buhayin ng ina na maaga rin noong nag-asawa sa edad na 13 kaya hindi rin nakatapos ng hayskul.

Ayon kay Aaron, kung tutuusin, marami silang naitutulong at nagagawa para sa pamilya nila. “Hindi ko ginustong maging ganito pero OK na ako sa ganito dahil malaya kong naisasabuhay kung sino talaga ako. Mahirap lang kapag may diskriminasyon sa mga katulad namin.”

Para kay Briggs, normal din sila na nais magkaroon ng sariling pamilya, mag-asawa, ikasal sa taong mahal at mamahalin sila.

“Sana sa human rights day, irespeto ang mga karapatan naming mga tomboy,” panawagan ni Briggs.

Si Lance, Aaron at Briggs ay bahagi ng pinapasiglang kampanya ng Lalang Hu Mga Laga para sa pagprotekta at paggalang ng mga karapatan ng mga LBTQI.

Visit our Facebook Page and get more updated information:
http://facebook.com/storiesofwomencampaign

Published by lalanghumgalaga

promoting the rights of women, girls and non-binaries

Leave a comment